Noong 18 taong gulang ako, kinailangan kong pumasok sa military tulad ng lahat ng mga kabataang lalaki dito sa Singapore. Nanalangin ako na madali lang na tungkulin ang mapunta sa akin dahil hindi naman ako kasing-lakas ng iba. Pero isang gabi, nabasa ko ang 2 Corinto 12:9, “Sapat na sa iyo ang Aking biyaya…” Sa pamamagitan ng talatang iyon, lumakas ang aking loob. Tumugon ang Dios sa mga panalangin ko. Kahit na mahirap ang itinalaga sa akin na gawain, alam ko na tutulungan Niya ako.
Hindi ko man gusto ang tungkuling iniatas sa akin, nagpapasalamat pa rin ako sa Dios. Mas naging matatag ako sa pamamagitan ng mga pagsasanay at mga naranasan ko sa military. Nakatulong din ito nang malaki upang mas maging handa ako sa pagharap sa mga susunod na kabanata ng aking buhay.
Mababasa naman natin sa Isaias 25:1-5 na nagpuri sa Dios si propeta Isaias dahil kahit na mahirap ang naranasan ng mga Israelita sa kamay ng kanilang mga kalaban, gumawa ang Dios ng mga kahanga-hangang bagay para sa kanila. Isinakatuparan ng Dios ang Kanyang mga plano.
Kapag hindi ang sagot ng Dios sa ating panalangin, maaaring mahirapan tayong unawain ito lalo na kung mabuti naman ang hinihiling natin. Pero sa mga ganoong pagkakataon, magtiwala tayo sa magandang plano ng Dios. Hindi man natin maintindihan, magtiwala tayo sa pag-ibig, kabutihan at katapatan ng Dios.