Naalala ko ang payong ibinigay sa akin ng kaibigan kong tagapagbalita sa radyo. Sinabi niya, “Matuto ka sa mga punang sinasabi sa iyo at tanggapin mo ang mga papuri nila. Pero pagkatapos, isantabi mo ang mga ito at magpakumbabang magpatuloy sa tulong ng kapangyarihan at kagandahang-loob ng Dios.” Natutunan ito ng aking kaibigan noong nagsisimula siya sa kanyang trabaho. Hindi niya raw alam noon kung paano haharapin ang mga pagpuna at mga papuri na kanyang natatanggap.
Ang mga pagpuna at papuri na ating natatanggap ay maaaring magdulot ng matinding kaguluhan sa ating damdamin kung ating babalewalain. Maaari itong magdulot ng panliliit sa sarili o pagtaas ng tingin sa sarili.
Mababasa naman natin sa Kawikaan sa Lumang Tipan ng Biblia ang mga kabutihang dulot ng pagbibigay ng lakas ng loob at magandang payo “Nagpapasigla ang magandang balita… Pinapasama ng tao ang kanyang sarili kapag binabalewala niya ang pagtutuwid sa kanyang pag-uugali, ngunit kung makikinig siya, lalago ang kanyang kaalaman” (15:30, 32).
Kaya naman, kung makakatanggap tayo ng mga pagpuna sa hinaharap, piliin nating matuto sa mga ito. Sinabi sa Kawikaan, “Ang taong nakikinig sa mga turo ng buhay ay maibibilang sa mga marurunong” (TAL. 31). Kung nakakatanggap naman tayo ng mga papuri, matuto tayong maging mapagpasalamat. Kung lalapit tayo sa Dios na may kababaang-loob, tutulungan Niya tayong matuto sa mga puna at papuring ating natatanggap. Isantabi natin ang mga ito at magpatuloy kasama ang Dios.