Isang umaga, nainis ako nang makita ang karatula sa daan na nagsasabing asahan na ang mabagal na daloy ng trapiko. Hindi ko inaasahan na may inaayos pala na kalsada. Nainis ako dahil huli na rin ako sa pupuntahan ko.
Ilan lamang sa atin ang nakahanda sa mga hindi inaasahang pangyayari sa ating buhay na maaaring makaantala sa mga plano natin o makapagpabago ng ating direksiyon.
Wala mang nakitang karatula si Solomon tungkol sa mga bagay na makakaantala, tinalakay niya sa Kawikaan 16 ang tungkol sa kung paanong salungat minsan ang plano natin sa plano ng Dios. Sinabi niya sa talatang 1, “Nasa tao ang pagpaplano, ngunit ang Panginoon ang nagpapasya kung magaganap ito o hindi. Inulit pa niya ito sa talatang 9, “Ang tao ang nagpaplano, ngunit nasa Panginoon ang kaganapan nito.” Ang ibig sabihin nito ay may naiisip tayo tungkol sa kung ano ang dapat mangyari pero minsan, may ibang plano ang Dios para sa atin.
Bakit kaya nawawala sa isip ko ang katotohanang iyon? Nangyayari ito kapag nagpaplano ako pero nakakalimutan kong isangguni sa Dios kung ano ba ang plano Niya. Dahil doon, nadidismaya ako kapag may mga makakaantala sa mga plano ko.
Ang mabuting gawin ay ang magtiwala sa Dios at sa Kanyang gabay tulad ng itinuturo ni Solomon sa Kawikaan. Nawa’y saliksikin natin ang Dios at ang Kanyang plano sa bawat hakbang na gagawin natin. Hayaan natin na pangunahan Niya tayo at kung kinakailangan ay baguhin ang ating direksiyon.