Sa isang programa sa telebisyon, may mga nagpanggap na mga estudyante sa high school para mas maintindihan nila ang mga kabataan. Nadiskubre nila na malaki ang epekto ng social media sa mga ito. Nakadepende ang halaga nila bilang tao sa dami ng likes na nakukuha nila sa kanilang mga post. Malaki rin ang epekto sa kanilang pag-uugali ng kagustuhan nila na tanggapin sila ng mga tao.
Noon pa man, likas na sa tao ang pagnanais na tanggapin sila ng iba. Sa Genesis 29, ganoon na lamang ang pagnanais ni Lea na mahalin siya ng kanyang asawang si Jacob. Mapapansin ang kanyang kalungkutan sa mga pangalan ng kanyang unang tatlong anak (TAL. 31-34). Pero kahit nagkaanak sila, hindi pa rin nagawang ibigay ni Jacob ang pagtanggap na inaasam ni Lea.
Sa pagsilang ng ikaapat nilang anak, sa Dios na siya nakatuon sa halip na kay Jacob. Pinangalanan niyang Juda ang kanyang anak na nangangahulugang pagpupuri sa Dios (TAL. 35). Sa wakas, sa Dios na hinanap ni Lea ang kanyang halaga. Naging bahagi siya sa plano ng Dios na pagliligtas sa sangkatauhan. Ang anak niyang si Juda ang naging ninuno ni Haring David at ni Jesus mismo.
Maaari nating iasa ang ating halaga sa iba’t ibang bagay pero kay Jesus lamang natin mahahanap ang tunay nating halaga. Bilang nagtitiwala sa Kanya, tayo’y mga anak na ng Dios at tagapagmana rin kasama ni Cristo. Makakasama rin natin ang Dios magpakailanman. Sinabi pa ni Apostol Pablo na lahat ng bagay ay walang halaga kung ihahambing sa pagkakilala kay Cristo (FILIPOS 3:8).