Minsan, naglakad-lakad kami ng kaibigan ko kasama ang kanyang mga apo. May suot siyang tracker kung saan naitatala ang bilang ng kanyang mga hakbang. Pero hindi naitala noon ang mga hakbang niya dahil hawak niya ang stroller ng kanyang apo at hindi niya maikampay ang kanyang mga kamay. Sinabi niya na nasayang lang ang paglalakad niya at hindi niya makukuha ang inaasam niyang electronic gold star mula sa tracker. Ipinaalala ko naman na kahit hindi ito nabilang, nakabuti pa rin ito sa kanyang kalusugan.
Naiintindihan ko ang nararamdaman niya. Nakakalungkot kapag hindi natin agad nakukuha ang bunga ng ating pinagpaguran. Naiisip tuloy natin na ang mga magagandang bagay na ginagawa natin ay walang saysay tulad ng pagtulong sa isang kaibigan o pagpapakita ng kabutihan sa hindi natin kilala.
Sinabi naman ni Pablo sa mga taga Galacia, “Kung ano ang itinanim ng tao, iyon din ang kanyang aanihin” (GALACIA 6:7). Kaya huwag tayong magsasawa “sa paggawa ng mabuti, dahil sa tamang panahon matatanggap natin ang ating gantimpala kung hindi tayo susuko” (TAL. 9). Ang paggawa ng mabuti ay hindi makakapagligtas at hindi rin sinabi sa talata kung saan matatanggap ang gantimpala, kung dito ba sa lupa o sa langit, pero makatitiyak tayo na aani tayo ng pagpapala.
Mahirap gumawa ng mabuti lalo na kung hindi natin nakikita o nalalaman kung ano ang matatanggap nating gantimpala. Pero hindi masasayang ang nagawa nating kabutihan tulad ng nakamit na magandang epekto sa kalusugan ng kaibigan ko sa kanyang paglalakad.