Naghahanda na si Dr. Warwick Rodwell sa pagreretiro bilang arkeologo nang matuklasan niya ang isang iskultura ng anghel na si Gabriel sa Lichfield Cathedral sa England. Maaaring nasa 1,200 taon na ang iskulturang iyon. Hindi natuloy ang pagreretiro ni Dr. Rodwell dahil sa natuklasan niyang ito na naging daan para sa mga panibagong kapana-panabik na gagawin niya.
Si Moises naman ay 80 taong gulang na nang may matuklasan siya na magpapabago sa kanyang buhay. Siya ay isang Hebreo na inampon ng prinsesa ng Egipto. Sa kabila noon, hindi niya kinalimutan ang kanyang mga kalahi. Nagalit siya nang masaksihan ang pagmamalupit ng Egipcio sa isang Hebreo (EXODUS 2:11-12). Nang malaman ng Faraon ang pagpatay ni Moises sa Egipciong nagmalupit sa Hebreo, binalak nito na ipapatay si Moises. Dahil doon, tumakas si Moises patungo sa Midian at doon nanirahan (TAL. 13-15).
Pagkalipas ng 40 taon, nagpakita sa kanya ang anghel ng Panginoon sa anyo ng naglalagablab na apoy sa isang mababang punongkahoy. Naglalagablab ang puno pero hindi naman nasusunog (3:2). Sa pagkakataong iyon, itinalaga ng Dios si Moises na pangunahan ang mga Israelita sa paglaya mula sa pagkakaalipin sa Egipto (TAL. 3-22). 80 taong gulang na siya noon.
Sa pagkakataong ito ng iyong buhay, ano kaya ang nais ng Dios na ipagawa sa iyo para sa Kanyang dakilang layunin? Anong mga bagong plano ang nais Niyang maisagawa mo?