Noong 1959, niregaluhan ng isang higanteng kabibe ang tiyahin ni Abraham Reyes. May malaking perlas ito sa loob. Mahigit 60 taon lang itong nakatago sa kanyang bahay bago ipamana kay Abraham. Nang ipasuri ito ni Abraham, nagulat sila sa kanilang nadiskubre. Iyon pala ang pinakamalaking natural blister pearl sa buong mundo at nagkakahalaga ito ng mahigit na 60 Milyong Dolyar! Tinawag niya itong Giga Pearl. Maaaring maisip natin na napakapalad ni Abraham dahil mayroon siyang kayamanan na napakalaki ng halaga.
Bilang sumasampalataya kay Jesus, higit na malaki ang halaga ng kayamanang mayroon tayo. Sinasabi sa 2 Corinto 4:7, “Nasa amin ang kayamanang ito, ngunit tulad lang kami ng palayok na pinaglagyan nito para maipakita na ang hindi mapamarisang kapangyarihan na nasa amin ay mula sa Dios at hindi sa amin.” Iniisip ng mga taga Corinto na magiging makapangyarihan sila sa pamamagitan ng pagiging mayaman.
Pero pinaalalahanan sila ni Pablo na ang Magandang Balita at ang pagkakilala kay Jesus bilang Panginoon at Tagapagligtas ang tunay na pinagmumulan ng kapangyarihan. Ang kapangyarihang ito ang magbibigay sa atin ng lakas para hindi manlupaypay sa kabila ng mga dinaranas nating hirap (TAL. 9).
Maaari din tayong makaranas ng problema dahil sa ating pananampalataya. Nasa atin ang kayamanan na nagbibigay sa atin ng lakas para lalo tayong tumatag. Hindi ba’t higit na malaki ang halaga nito kaysa sa higanteng perlas?