Nang bisitahin namin noon ang ilang mga kaibigan sa kanilang lugar, sinabi nila sa amin na nagdulot ng takot ang bumalikong tore ng kanilang simbahan dahil sa malakas na bagyo. Inayos naman ito agad pero napaisip ako na kadalasan, inaasahan natin na mukhang perpekto ang lahat ng makikita sa simbahan. Tila isa itong lugar kung saan hindi tayo puwedeng magpunta kung hindi tayo maayos.
Pero sa mundo nating puno ng kasamaan, lahat tayo ay maituturing na baliko dahil sa mga kahinaan natin. Maaaring matukso tayo na itago ang mga kahinaang ito pero hinihikayat tayo ng Biblia na hindi dapat ganoon. Sa 2 Corinto 12, sinabi ni Pablo na ang ating kahinaan tulad ng kanyang kapansanan sa katawan (TAL. 7), ay isang pagkakataon para maihayag ang kapangyarihan ni Cristo. Sinabi ni Jesus kay Pablo, “Sapat na sa iyo ang Aking biyaya, dahil ang kapangyarihan Ko'y nakikita sa iyong kahinaan” (TAL. 9).
Sa huli, sinabi ni Pablo, “Maligaya ako sa aking kahinaan, sa mga panlalait sa akin, sa mga pasakit, pang-uusig at sa mga paghihirap alang-alang kay Cristo. Sapagkat kung kailan ako mahina, saka naman ako pinalalakas ng Dios” (TAL. 10).
Hindi man natin gusto ang mga kahinaan natin, hindi natin ito dapat itago dahil napagkakaitan natin na kumilos ang kapangyarihan ni Jesus sa mga aspetong iyon ng ating pagkatao. Kung hahayaan nating kumilos ang Dios sa ating mga kahinaan, tutulungan Niya tayo at ililigtas sa paraang hindi natin kayang gawin.