Ang The Clocks ay nobela na isinulat ni Agatha Christie tungkol sa isang detective na si Hercule Poirot. Nagsabwatan ang mga tauhan sa kuwento para patayin ang isang tao. Pero humantong ito sa pagpatay pa nila ng ilan pa para mapagtakpan ang unang krimeng ginawa nila. Nang komprontahin sila ni Hercule, sinabi ng isa sa kanila, “Isa lang naman talaga dapat ang papatayin namin.”
Nagsabwatan din ang mga pinuno ng relihiyon ng mga Judio para ipapatay si Jesus. Pagkatapos buhayin ni Jesus si Lazarus (JUAN 11:38-44), nagpatawag sila ng pulong para planuhin ang pagpatay kay Jesus (TAL. 45-53). Pero hindi pa sila tumigil nang mamatay Siya. Nagpakalat pa sila ng mga kasinungalingan tungkol sa nangyari sa libingan ni Jesus nang mabuhay Siyang muli (MATEO 28:12-15) at binalak na patahimikin ang mga tagasunod Niya (GAWA 7:57-8:3).
Humantong sa pagpapakalat ng mga kasinungalingan at pagkamatay ng ilan ang plano nila laban sa isang tao. Hindi lubos na naunawaan ng pinunong pari na si Caifas ang sinabi niya na, “Hindi n’yo ba naisip na mas mabuting mamatay ang isang tao para sa sambayanan kaysa sa mapahamak ang buong bansa?” (JUAN 11:50). Naging daan ang pagsasabwatan ng mga pinuno ng relihiyon sa kaligtasan ng buong sangkatauhan.
Makikita natin dito na kahit patuloy tayong ilulugmok ng kasalanan, ang Dios ang gumagawa ng paraan para makalaya tayo mula rito. Tinanggap mo na ba ang iniaalok na kalayaan ni Jesus mula sa kasalanan?