Noong nasa kolehiyo pa ako, nagtatrabaho ako tuwing bakasyon. Nagtatrabaho ako sa isang malawak na rantso na pinupuntahan din ng ibang mga tao para magbakasyon. Tuwing gabi, nagbabantay kami para protektahan ang mga panauhin sa rantso sa maaaring mangyaring sunog na magmumula sa kagubatan.
Isang naging magandang pagkakataon ang trabaho kong iyon para pagbulayan, maranasan ang kapayapaan at ang pagkilos ng Dios tuwing gabi.
Ninais din naman ni David na maranasan ang pagkilos at pagbabantay ng Dios sa kanya kahit hanggang sa pagtulog niya sa gabi (T. 1,6). Mababasa natin sa isinulat niyang awit na nagkaroon siya ng mabigat na problema. Marahil ito ay dahil sa pagrerebelde ng anak niyang si Absalom. Pero para kay David, naging magandang pagkakataon ang mga gabi upang humingi siya ng tulong sa makapangyarihang Dios (T. 7).
Maaari namang dumaranas ka ng matitinding pagsubok sa iyong buhay gaya ng problema sa pamilya, sa trabaho o sa pananalapi. Maaaring nagdudulot ang mga ito sa iyo ng pagkabalisa at hindi makatulog nang maayos tuwing gabi. Pero mas makakabuti para sa iyo kung gagamitin mo ang mga pagkakataong ito upang manalangin at humingi ng tulong sa Dios. Makakatiyak ka na maaasahan mo ang pagmamahal ng Dios (T. 8).