Napilay ang braso ni Darnell kaya naman kailangan niya itong ipagamot sa isang lugar na nagbibigay ng lunas sa ganitong karamdaman. Nakakaramdam siya ng matinding sakit tuwing inuunat ng manggagamot ang kanyang braso. Ilang beses ding sinasabi ng manggagamot sa kanya na, “Puwede na po kayong magrelaks.” Matapos ang ehersisyo na ginawa sa kanyang braso, sinabi ni Darnell na parang 50 beses niyang narinig na sinabi ng manggagamot na puwede ka nang magrelaks sa kabila ng matinding sakit na kanyang nararamdaman.

Naisip ni Darnell na maaari niya ring magamit ang sinasabi sa kanya ng manggagamot. Maaari siyang magrelaks o makatagpo ng kapayaan sa Dios kaysa sa mag-alala at mabalisa.

Nalalaman din ni Jesus na kailangang matutunan ng Kanyang mga alagad na huwag matakot o mabalisa. Sinabi noon ni Jesus sa Kanyang mga alagad na makakaranas sila ng mga pagsubok at pagmamalupit dahil sa kanilang pananampalataya. Gayon pa man, palalakasin ni Jesus ang kanilang loob. Ipapadala rin ng Dios Ama ang Banal na Espiritu upang magturo at magpaalala sa kanila ng lahat ng itinuro ni Jesus (JUAN 14:26). Sinabi rin sa kanila ni Jesus, “Huwag kayong mabagabag, at huwag kayong matakot, dahil iniiwan Ko sa inyo ang kapayapaan. Ang Aking kapayapaan ang ibinibigay Ko sa inyo” (T. 27).

Maraming pagsubok ang pinagdadaanan natin bawat araw. Pero titibay ang pananampalataya natin sa Dios kung aalalahanin natin na pinapatnubayan tayo ng Banal na Espiritu. Pagkakalooban tayo ng kalakasan ng Dios at makakaasa tayo na bibigyan Niya tayo ng kapayapaan.