Noong nasa High School pa si Abby, nabalitaan niya at ng kanyang ina ang tungkol sa binatilyo na malubha ang tinamong pinsala dahil sa isang aksidente sa eroplano. Namatay din ang ama at madrasta ng binatilyo sa aksidenteng iyon. Kahit hindi nila kilala ang binatilyo, ipinanalangin nila ito pati ang kanyang pamilya.
Lumipas ang ilang taon at nagkolehiyo na si Abby. Isang estudyante ang nag-alok ng mauupuan kay Abby sa kanilang klase. Siya si Austin Hatch, ang mismong binatilyo na idinalangin nilang mag-ina noon. Hindi nagtagal at niligawan ni Austin si Abby. Nagpakasal sila noong 2018.
Nang makapanayam si Abby bago sila ikasal, sinabi niya na hindi siya makapaniwala na ang taong mapapangasawa niya ang mismong idinalangin niya noon. Madalas na ang idinadalangin lamang natin ay ang ating mga pangangailangan at ang mga taong malalapit sa atin. Hindi tayo naglalaan ng panahon para ipanalangin ang ibang tao. Kaya naman, hinihikayat ni Apostol Pablo ang mga nagtitiwala kay Jesus, "Manalangin kayo sa lahat ng oras sa tulong ng Banal na Espiritu. Ipanalangin n'yo ang lahat ng dapat ipanalangin. Huwag kayong magpabaya; patuloy kayong manalangin lalo na para sa lahat ng mga pinabanal"(EFESO 6:18). Sinabi rin ni Pablo na idalangin natin ang lahat ng tao pati ang mga nasa katungkulan (1 TIMOTEO 2:1).
Ipanalangin natin ang ibang tao maging ang mga hindi natin kilala. Isang paraan ito upang matulungan natin sa problema ang bawat isa (GALACIA 6:2).