Galing sa mahirap na pamilya si Rodney Smith. Hindi nakapagtapos ng pag-aaral ang kanyang mga magulang. Nang magtiwala siya kay Cristo sa isang pagtitipon ng mga nagtitiwala kay Jesus noong 1877, narinig niyang sinabi ng isang tao na, “Galing lang ang batang iyan sa mahirap na pamilya.” Pero hindi pinansin ni Rodney kung ano ang tingin ng mga tao sa kanya.
Alam niya na may layunin ang Dios sa kanyang buhay. Bumili siya ng Biblia at isang diksiyonaryo at nag-aral mag-isa na magbasa at magsulat. Sa kabila ng kanyang pinagdaanan, naging isang tagapangaral ng Salita ng Dios si Rodney Smith at naipahayag niya si Jesus sa maraming tao. Para sa kanya, ang paraan upang makilala si Jesus ay sa pamamagitan ng pagpapahayag ng ginawa ni Jesus sa krus ng kalbaryo. Hindi ito sa pamamagitan kung nakapagtapos man tayo sa mga sikat na paaralan sa mundo.
Si Pedro din naman ay isang simpleng tao lamang. Wala siyang mataas na pinag-aralan (GAWA 4:13). Isa siyang mangingisda sa Galilea nang tawagin siya ni Jesus na sumunod sa Kanya (MATEO 4:19). Marami ring nagawang pagkakamali si Pedro. Pero sa kabila ng lahat ng ito, sinabi niya na ang lahat ng susunod kay Jesus ay, “mga taong pinili, mga maharlikang pari, at mga mamamayan ng Dios. Pinili [sila] ng Dios na maging Kanya” (1 PEDRO 2:9).
Magiging bahagi ng pamilya ng Dios ang sinumang magtitiwala kay Jesu-Cristo anuman ang kanyang natapos sa pag-aaral, kasarian o lipunang pinagmulan. Maaari din siyang maglingkod kay Jesus. Ang mga taong pinili ng Dios ay ang mga taong nagtitiwala kay Jesus.