Noong bata pa ako, tinutukso ako ng ibang bata na isa raw akong patpat dahil sobrang payat ko. Nasasaktan ako tuwing tinutukso nila ako. Tumanim sa isipan ko ang masasakit na panunukso nila sa akin.
Naranasan din naman ni Hanna na masaktan dahil sa masasakit na salita. Mahal siya ng asawa niyang si Elkana pero wala silang anak. Ang pangalawang asawa naman ni Elkana na si Penina ay maraming anak. Ang kultura dati ay nakabatay ang mataas na pagtingin sa isang babae kapag marami siyang anak. Palaging iniinis ni Penina si Hanna dahil wala siyang anak. Ginagawa ito ni Penina hanggang sa umiyak na lang si Hanna at hindi na kumain (1 SAMUEL 1:6-7).
Sinabi ni Elkana kay Hanna, “Bakit ka umiiyak?...Mas mahalaga ba para sa iyo ang sampung anak kaysa sa akin?” (T. 8). Kahit na sinabi ito ni Elkana ay nasasaktan at nalulungkot pa rin si Hanna.
Kagaya ni Hanna, naranasan na rin natin na masabihan ng masasakit na mga salita. Minsan, ang nagiging tugon natin ay nagsasabi rin tayo ng masasakit na salita sa iba. Mabuti na lang at maaari tayong lumapit sa ating mapagmahal at mapagmalasakit na Dios. Bibigyan Niya tayo ng kalakasan at kaginhawaan (SALMO 27:5,12-14) maging ng mga salita na nagpapahayag ng Kanyang pagmamahal at kagandahangloob.