Gumuhit ang aking kaibigan ng isang larawan ng tao sa isang papel. Sinabi niya na sumisimbolo ito sa kung sino tayo. Gumuhit din siya ng isa pang larawan ng tao katabi ng una niyang iginuhit. Sinabi niya na ito naman ay sumisimbolo kung ano tayo sa harap ng ibang tao. Ipinapakita ng larawang ito kung gaano tayo katapat sa ating sarili at sa ibang tao.
Napaisip ako sa sinabi ng aking kaibigan. Naisip ko kung matapat ba akong tao? Matapat ba ako sa harap ng ibang tao at matapat din ba ako sa kanila kapag hindi ko na sila kaharap?
Mababasa natin sa Biblia na sumulat si Apostol Pablo sa mga tagaCorinto kung paano magiging katulad si Jesus. May sinabi rin si Pablo sa kanyang sulat tungkol sa mga taong nagdududa sa kanyang katapatan. Sinasabi nila na si Pablo ay matapang lamang sa kanyang mga sulat, pero kapag harapan na ay mahina at nagsasalita siya ng walang kabuluhan (10:10). May masama kasing motibo ang mga taong ito. Sinabi naman ni Pablo sa mga taga-Corinto, “nang mangaral ako sa inyo, hindi ako gumamit ng matatamis na pananalita batay sa karunungan ng tao. Sa halip, pinatunayan ng Banal na Espiritu ang aking pangangaral sa pamamagitan ng Kanyang kapangyarihan” (1 CORINTO 2:4). Pinatunayan ni Pablo ang kanyang katapatan sa kanyang sulat. “Dapat malaman ng mga taong iyan na kung ano ang sinasabi namin sa aming sulat, ito rin ang gagawin namin kapag dumating na kami riyan” (2 CORINTO 10:11).
Katulad din ba tayo ni Pablo na matapat sa harap ng ibang tao?