Sikat na sikat ang mga kuwento tungkol sa superheroes. Noong taong 2017 lamang, anim na pelikula tungkol sa superhero ang kumita ng malaki sa takilya. Pero bakit kaya nahuhumaling ang mga tao sa mga kuwento ng superhero?
Siguro, dahil may pagkakatulad ang mga kuwentong ito sa kuwento ng pagliligtas ng Dios. Sa kuwento kasi ng mga superhero laging may isang tagapagligtas, isang kalaban, mga taong kailangang iligtas at mga labanan.
Sa kuwento naman ng Dios, ang pinakakontrabida ay si Satanas. Pero may mababasa rin tayong iba pang kontrabida sa Biblia. Sa Aklat ni Daniel ay mababasa natin ang tungkol kay Nebucadnezar. Isa siyang hari na nag-utos na patayin ang mga taong hindi sasamba sa kanyang rebultong ginto (DANIEL 3:1-6). Iniligtas ng Dios sa nagbabagang apoy ang tatlong matatapang na Judio na hindi sumunod kay Nebucadnezar (T. 24-27).
Pero mababasa rin natin kung paano nagbago ang puso ni Nebucadnezar. Nang makita niya kung paano iniligtas ng Dios ang tatlong Judio, sinabi ni Nebucadnezar, “Purihin ang Dios nina Shadrac, Meshac, at Abednego” (T. 28).
Iniutos din ni Nebucadnezar na patayin ang sinumang magsasalita ng masama laban sa Dios. Mas nakilala rin niya ang tungkol sa Dios sa kabanatang 4 ng Aklat ng Daniel.
Makikita natin sa buhay ni Nebucadnezar ang patuloy na pagkilos ng Dios sa kanyang buhay. Sa kuwento naman ng pagliligtas sa atin ng Dios ay mayroon tayong bayani na handang magligtas sa atin. Iyon ay walang iba kundi ang Panginoong Jesus.