Nasunugan ng bahay ang kasama namin sa aming simbahan. Namatay ang kanyang asawa, nanay at dalawang anak. Silang dalawa lamang ng anak niyang lalaki ang nakaligtas sa sunog. Patuloy tayong nakaririnig ng mga ganitong nakakalungkot na balita. Kaya naman minsan naitatanong natin: Bakit may masasamang nangyayari sa mga mabubuting tao? Hanggang ngayon, hindi pa rin natin lubos na maunawaan ang sagot sa tanong na ito.
Sa kabila ng lahat ng ito, paulit-ulit naman tayong pinapalakas ang loob ng mga sinabi sa Salmo 46 ng Biblia, “Ang Dios ang ating kanlungan at kalakasan. Siya'y laging nakahandang sumaklolo sa oras ng kagipitan” (T.1).
Nakalagay sa mga talatang 2 at 3 ang mga nakakatakot na pangyayari gaya ng paglindol at malakas na paghampas ng mga alon. Nakakatakot isipin kung mararanasan nga natin ang mga nakalarawan sa mga talatang ito. Pero minsan, nararanasan din natin ang mga pagkakataong ito sa tuwing nagkakaroon tayo ng malubhang sakit, may pinansyal na problema o kapag namatayan ng mahal sa buhay.
Minsan, naiisip natin na hindi natin kasama ang Dios sa mabibigat na problemang pinagdaraanan natin. Pero hindi iyon totoo. Mababasa natin sa Biblia na lagi nating kasama ang Dios. Ang Dios ni Jacob ang ating kanlungan (T. 7,11). Kasama natin ang Dios sa matitinding pagsubok sa buhay at tutulungan Niya tayong makayanan ito. Ang ating Dios ay mabuti, mapagmahal at maaasahan.