Sikat ang pintor na si Edgar Degas sa mga ipininta niyang larawan ng mga ballerina. Hindi alam ng marami na minsan siyang nagsabi na naiinggit siya sa kapwa pintor niyang si Edouard Manet. Ayon kay Degas, mas mahusay magpinta sa kanya si Manet dahil laging perpekto ang pagkakapinta nito ng mga larawan.
Isa ang pagkainggit sa hindi magagandang katangian na sinabi ni Apostol Pablo sa Roma 1:29. Nagsisimula ito sa masamang pag-iisip na nagbubunga sa paggawa ng mga bagay na hindi nararapat sa halip na pagbibigay luwalhati sa Dios (T. 28).
Sinabi naman ng manunulat na si Christina Fox na naiinggit tayo dahil nakakalimutan natin si Jesus na Siyang tunay na nagmamahal sa atin. Sa tuwing naiinggit daw tayo ay mas pinahahalagahan natin ang mga bagay dito sa mundo kaysa kay Jesus.
Pero may solusyon sa tuwing nakakaranas tayo ng pagkainggit. Ang solusyon ay isipin natin ang Dios. Sinabi ni Pablo na “Ialay ninyo ang inyong sarili sa Dios” (ROMA 6:13). Ilaan natin ang ating buhay at mga ginagawa sa Dios. Sinabi pa ni Pablo, “Dapat suriin ng bawat isa ang ginagawa niya. At kung mabuti ang ginagawa niya, magalak siya. Pero huwag niyang ikukumpara ang sarili niya sa iba” (GALACIA 6:4).
Magpasalamat tayo sa Dios sa mga pagpapalang natatanggap natin mula sa Kanya. Makukuntento tayo sa ating buhay kapag binigyang-pansin natin ang mga biyayang ipinagkaloob sa atin ng Dios.