Noong bata pa ako ay naglalaro kami ng aking pinsan ng tagu-taguan. Magtatago ako sa isang lugar at hahanapin niya ako. Kapag malapit na niya akong mahanap ay bumibilis talaga ang tibok ng puso ko. Madalas din nating laruin ito noong mga bata pa tayo. Pero kung ikukumpara natin sa ating buhay, kapag nakita tayo ng ibang tao na may ginagawa tayong mali ay gusto nating tumakas. Hindi kasi magugustuhan ng ibang tao kapag nalaman nila kung sino talaga tayo.
Minsan, tila nakikipaglaro din tayo ng tagu-taguan sa Dios. Pero nalalaman naman Niya lahat ng ating mga iniisip at ginagawa kahit na nagkukunwari tayo na hindi Niya tayo nakikita.
Pero patuloy pa rin tayong hinahanap at nilalapitan ng Dios. Nais Niya tayong makita kahit ang mga hindi nating magagandang katangian. Katulad ito ng paghanap ng Dios sa nagtatagong si Adan noong magkasala ito. Sinabi ng Dios kay Adan, “Nasaan ka?” (GENESIS 3:9). Ang pagtawag ng Dios sa atin ay tila sinasabi Niya na, “Huwag ka nang magtago, Aking anak, at manumbalik ka na sa magandang relasyon sa Akin.”
Tila nakakahiyang lumapit sa Dios. Pero sino man sa atin ay maaaring lumapit sa Kanya. Mamahalin at tatanggapin tayo ng Dios ano man ang ating mga nagawa.