Nalungkot ako sa pagpanaw ng isang babaeng matapat na naglilingkod sa Panginoon. Simple lamang ang kanyang naging buhay at hindi rin siya gaanong kilala sa aming lugar. Pero lubos ang pagmamahal niya kay Jesus at sa kanyang pamilya. Masiyahin din siya at mapagbigay.
May sinabi naman sa Mangangaral 7:2 ng Biblia, “Mas mabuting pumunta sa namatayan kaysa sa isang handaan.” Sinabi rin naman na “Laging iniisip ng marunong ang kamatayan,” (7:4) dahil mas nalalaman niya kung ano ang tunay na mahalaga sa buhay. Ayon naman sa manunulat na si David Brooks, mayroon daw dalawang bagay na mahalaga sa buhay. Una ay ang mga bagay na nakamit natin habang nabubuhay tayo. Pangalawa ay ang parangal ng ibang tao sa atin kapag namatay na tayo. Mas dapat daw nating pahalagahan kung ano ang sasabihin ng mga tao sa atin kapag namatay na tayo.
Hindi mataas ang mga nakamit sa buhay ng babaeng pumanaw. Pero pinatunayan ng kanyang mga anak na ipinamuhay niya ang mababasa sa Kawikaan 31 ng Biblia at tulad siya ng isang babaeng kalugod-lugod sa Dios. Naging halimbawa siya kung paano maglingkod kay Jesus at sa ibang tao. Tulad ng sinabi ni Apostol Pablo, “Kaya nga, tularan ninyo ako, gaya ng pagtulad ko kay Cristo” (1 CORINTO 11:1), hinahamon din naman tayo na tularan natin si Cristo.
Ano kaya ang sasabihin ng ibang tao sa atin kapag pumanaw na tayo? Hindi pa huli ang lahat para sa atin. Magtiwala tayo kay Jesus. Ililigtas Niya tayo sa kaparusahan sa kasalanan. Tutulungan Niya rin tayong pagtuunan ng pansin ang mga bagay na higit na mahalaga sa buhay na ito.