Isang organisasyon ng mga nagtitiwala kay Jesus ang may layunin na itaguyod ang kahalagahan ng pagpapatawad. May ipinapagawa sila sa taong nagkasala at sa taong nagawan ng kasalanan. Itinatali nila nang magkatalikod ang dalawang taong ito gamit ang lubid. Ang puwede lang magtanggal ng tali ay ang taong nagawan ng kasalanan. Hindi siya makakaalis hangga’t hindi niya pinapatawad o tinatanggal ang tali.
Maaalis din naman ang mga hinanakit sa ating puso kapag pinatawad natin ang taong nagkasala sa atin. Sa Aklat ng Genesis ng Biblia, mababasa natin ang tungkol sa magkapatid na sina Jacob at Esau. Nagkahiwalay sila sa loob ng dalawampung taon dahil dinaya ni Jacob si Esau. Pagkalipas ng mahabang panahon, sinabi ng Dios kay Jacob na maaari na siyang bumalik sa lupain ng kanyang mga ninuno (GENESIS 31:3).
Sumunod si Jacob sa Dios pero natatakot siya kay Esau. Nagpadala muna siya ng mga hayop na ireregalo sa kanyang kapatid (32:13-15). Nang muli silang magkita, pitong beses na yumukod si Jacob sa kanyang kapatid bilang pagpapakita ng pagpapakumbaba (33:3). Maaaring nagulat si Jacob nang tumakbo at niyakap siya ni Esau. Umiyak din silang dalawa (T. 4) dahil sa kanilang pagkakasundo. Nawala na rin ang takot ni Jacob dahil sa kasalanang nagawa niya sa kanyang kapatid.
May galit at sama ng loob ka ba dahil hindi mo mapatawad ang isang taong nagkasala sa iyo? Tutulungan ka ni Jesus na magpatawad. Papawiin din Niya ang mga hinanakit sa iyong puso.