Mahirap tanggapin kapag nalaman nating hindi puwedeng gawin ang isang bagay o hindi pa panahon para gawin ito lalo na kapag alam nating may ipinapagawa sa atin ang Dios. May dalawang pagkakataon na nakahanda na akong maglingkod para sa pagtitipon ng mga nagtitiwala kay Jesus. Pero hindi ito natuloy. Pagkatapos nito, nagkaroon muli ng bagong pagkakataon at doon ako napili. Sa loob ng labintatlong taon ay naging pastor ako sa isang kapulungan ng mga nagtitiwala kay Jesus.
Dalawang beses din namang naranasan nina Apostol Pablo at ng mga kasama niya ang mga pagbabago sa kanilang paglilingkod sa Dios. Una ay “hindi sila pinahintulutan ng Banal na Espiritu na mangaral ng Salita ng Dios sa lalawigan ng Asia” (T. 6). Ikalawa naman ay “Pagdating nila sa hangganan ng Mysia, gusto sana nilang pumunta sa Bitinia, pero hindi sila pinahintulutan ng Espiritu ni Jesus” (T. 7). Hindi nila alam na may ibang plano ang Dios para sa kanila. Tinuturuan sila ng Dios na makinig at sumunod sa Kanya (T. 9-10).
Sino ba naman sa atin ang hindi malulungkot kung hindi mangyayari ang ating mga inaasahan? Nakakaramdam tayo ng kabiguan kapag hindi tayo natanggap sa trabaho o nawalan tayo ng trabaho.
Mahirap mang tanggapin ang mga ito, ipapakita naman sa atin ng Dios na may mas maganda Siyang plano para sa atin. Ipapakita Niya sa atin ang Kanyang kagandahang-loob at dadalhin Niya tayo kung saan Niya nais. Tiyak na pasasalamatan natin ang Dios kung susundin natin Siya.