Noong 18 taong gulang ako, lumabo ang aking paningin. Ayaw ko sanang magsuot ng salamin, pero sinabi ng tatay ko na mas maganda raw pagmasdan ang mga puno at ang berde nitong mga dahon kung hindi malabo. Sinunod ko si tatay. Kaya naman, nakikita ko na nang malinaw ang magandang paligid.
May pagkakataon din naman na sa aking pagbabasa ng Biblia ay may hindi malinaw o mahirap maunawaan. Pero kung susuriing mabuti ay makikita natin ang kagandahan ng nais iparating ng Salita ng Dios.
Naranasan ko ito nang nagbabasa ako ng Aklat ng Exodus. Tila nakakainip basahin ang mahabang bahagi tungkol sa pagbibigay ng Dios ng direksyon sa pagtatayo ng tabernakulo. Ang tabernakulo ay ang pansamantalang tahanan ng Dios noong nasa ilang ang mga Israelita. Nakatawag pansin sa akin ang huling bahagi ng kabanata 25. Ibinigay ng Dios dito ang detalye kung paano gagawin ang lalagyan ng ilaw. Ito ay dapat na gawa sa “purong ginto” pati ang mga paa at katawan nito (T. 31). Ang katawan din nito ay dapat “hugis bulaklak ng almendro” (T. 34).
Isinama ng Dios ang magandang hugis ng bulaklak na ito sa paggawa ng Kanyang tabernakulo para maipahayag ang Kanyang kagandahan.
Sinabi rin naman ni Apostol Pablo na mula pa nang likhain ang mundo, ang walang hanggang kapangyarihan ng Dios at ang Kanyang pagka-Dios ay naipahayag sa mga bagay na ginawa Niya (ROMA 1:20). Minsan, kailangan nating bigyangpansin ang mga nilikha ng Dios para makita natin ang Kanyang kagandahan at kadakilaan.