Noong Hulyo 18, 1983, isang kapitan ng hukbong panghimpapawid mula sa Albuquerque, New Mexico ang biglang nawala. Makalipas ng tatlumpu’t limang taon, natagpuan siya ng mga awtoridad sa California. Ayon sa The New York Times, pinili ng kapitan na takbuhan na lang ang naranasan niyang labis na pagkabigo sa kanyang trabaho.
Napakatagal ng tatlumpu’t limang taon ng kanyang pagkawala. Kalahati ng kanyang buhay ay tumatakbo siya at nagtatago. Marahil, namuhay na puno ng pangamba ang kapitang ito sa loob ng mga panahong iyon.
Pero tulad ng kapitan, aaminin ko na minsa’y may tinatakbuhan din ako. May mga pagkakataon na kapag may nais ipagawa sa akin ang Dios, hindi ako sumusunod. Tila tumatakbo ako palayo at umiiwas ako sa Kanya.
Sa Biblia, inutusan ng Dios si Propeta Jonas na pumunta at mangaral sa Nineve. Pero dahil mahirap ito para kay Jonas, tinakbuhan niya ang utos ng Dios (JONAS 1:1-3). Gayon pa man, hindi kayang takasan ni Jonas ang Dios. Matapos siyang itapon sa dagat, nilunok siya ng isang malaking isda. At habang nasa loob ng tiyan ng malaking isda, napagtanto niya na mali ang kanyang ginawa at humingi siya ng tulong sa Dios (2:2).
Hindi man naging masunuring propeta si Jonas, namangha ako sa kanyang kuwento. Makikita rito ang kabutihan at pagpapatawad ng Dios. Kahit na tinakbuhan ni Jonas ang Dios, sinagot pa rin ng Dios ang panalangin niya. (TAL. 2). Tutugon din ang Dios sa ating mga panalangin sa kabila ng pagtakbo natin palayo sa Kanya.