Napaiyak si Xavier McCoury nang isuot niya ang salamin na bigay sa kanya ng kanyang Tiya Celena para sa kanyang ika-sampung taong kaarawan. Ipinanganak siya na hindi nakakaaninag ng kulay. Tanging kulay itim at puti lang ang kanyang nakikita. Sa unang pagkakataon ay nakita ni Xavier ang iba’t ibang kulay sa paligid dahil sa bago niyang salamin. Tila nakakita ng isang himala ang kanyang pamilya nang masaksihan nila ang lubos na kagalakan ni Xavier.
Nagkaroon din ng matinding kagalakan si Juan nang masaksihan niya ang kapangyarihan ng Dios (PAHAYAG 1:17). Nang makita niya ang kapangyarihan ng nabuhay na muling si Jesus, sinabi niya, “Nakita ko roon sa langit ang isang trono na may nakaupo na nagniningning tulad ng mamahaling mga batong jasper at koralina. At nakapaikot sa trono ang bahagharing kakulay ng batong esmeralda...Mula sa trono’y kumikidlat, kumukulog, at may umuugong” (PAHAYAG 4:2-5).
May ganito ring karanasan ang propetang si Ezekiel, “Sa ibabaw nila ay may tila tronong gawa sa mga batong safiro at may parang tao sa tronong iyon. Mula baywang pataas para siyang nagniningning na metal...na nagliliyab at napapalibutan ng nakasisilaw na liwanag” (EZEKIEL 1:26-27). “Ang liwanag na iyon sa paligid Niya ay parang bahaghari pagkatapos ng ulan” (TAL. 28).
Darating din ang araw na makikita natin nang mukhaan si Jesus. Maghintay nawa tayo nang may pananabik sa pagdating ng araw na iyon kung saan masasaksihan natin ang Kanyang kaluwalhatian.