Agad na naisugod sa ospital ang biyenan ko nang atakihin siya sa puso. Sinabi ng kanyang doktor na ang mabilis na paglalapat ng lunas sa loob ng labinlimang minuto matapos ang atake ay may tatlumpu’t tatlong porsyentong tsansa ng paggaling. Pero ayon din sa kanya, mayroon lamang limang porsyentong tsansang mabuhay ang isang taong inatake kung siya ay nadala sa ospital pagkalipas ng labinlimang minuto.
Papunta si Jesus sa tahanan ni Jairus para pagalingin ang kanyang anak na may malubhang sakit. Pero habang naglalakad si Jesus ay bigla Siyang huminto (MARCOS 5:30). Tumigil Siya para makita kung sino ang humawak sa Kanya at kinausap Niya rin ito. Marahil ay naisip ni Jairus, “Panginoon, wala nang panahon para diyan. Mamamatay na ang anak ko!” At nangyari nga ang kinatatakutan ni Jairus. Huli na nang dumating si Jesus sa kanyang tahanan. Namatay na ang kanyang anak (TAL. 35).
Lumapit si Jesus at pinalakas ang loob ni Jairus, “Huwag kang matakot. Manampalataya ka lang” (TAL. 36). Hindi pinansin ni Jesus ang pangungutya ng mga naroon at kinausap Niya ang anak ni Jairus at nabuhay itong muli! Ipinakita ni Jesus na kailanman ay hindi Siya mahuhuli. Hindi kayang limitahan ng panahon ang mga dakilang bagay na kayang gawin ni Jesus.
Madalas namang katulad tayo ni Jairus. Naiinip tayo sa matagal na pagtugon ng Dios sa ating mga panalangin. Pero kailanma’y hindi nahuhuli ang Panginoon sa pagsagot sa Kanyang mabubuting plano para sa ating buhay.