Hindi ko malilimutan nang ipakilala ko sa aking pamilya ang aking mapapangasawa. Tinanong siya ng dalawa kong nakatatandang kapatid kung ano ang nagustuhan niya sa akin. Masayang sinabi ng aking mapapangasawa na sa biyaya ng Dios ay nabago ako bilang isang mabuting lalaki na minahal niya.
Masaya ako sa sinabi ng aking mapapangasawa. Tila sumasalamin ito sa kung paano tayo minamahal ng Dios sa kabila ng ating mga nakaraan. Sa Biblia ay binanggit sa Gawa 9 na inutusan ng Dios si Ananias na pagalingin si Saulo. Binulag ng Dios si Saulo na kilala bilang taga-usig ng mga nagtitiwala kay Jesus. Natatakot si Ananias na sundin ang utos ng Dios dahil alam niya ang nakaraan at dating buhay ni Saulo. Pero sinabi ng Dios sa kanya na huwag tingnan ang nakaraan ni Saulo. Nais ng Dios na bigyang-pansin ni Ananias kung paano binago ng kapangyarihan ng Dios si Saulo.
Isa na siyang mangangaral ng Salita ng Dios na maghahatid ng Mabuting Balita sa buong mundo, sa mga Hentil (mga hindi Judio) at sa mga hari (TAL. 15). Sa paningin ni Ananias, isa pa ring Pariseo na taga-usig si Saulo. Pero para sa Dios, nakikita na Niya si Pablo bilang apostol at tagapagpahayag ng Kanyang Salita.
Madalas din naman na mas nakatingin tayo sa ating mga nakaraan, kakulangan, at pagkabigo. Pero nakikita tayo ng Dios bilang mga binago na Niyang nilalang. Hindi na tayo ang dati nating mga sarili, kundi mga taong binago ng kapangyarihan ng Dios.