May isang simpleng bahay na makikita sa kalye ng Bogota, Colombia. Walang anumang espesyal sa hitsura ng bahay na ito kaya hindi mo aakalain na naglalaman ito ng halos 25,000 na mga libro. Kinolekta ni Jose Alberto Gutierrez ang mga itinapong libro para mabasa ng mga batang mahihirap sa kanilang lugar.
Kapag walang pasok, pumupunta ang mga bata sa bahay na iyon at nagbabasa. Itinuturing nila na isang kayamanan ang bahay na iyon.
Ang bahay na ito ay parang katulad din ng mga sumasampalataya kay Jesus. Kahit mga ordinaryong tao ang mga mananampalataya, naging tahanan sila ng Banal na Espiritu na siyang magbibigay ng kakayahan para maipahayag ang magandang balita ng pagliligtas ng Dios. Isang malaking tungkulin ito na ipinagkatiwala sa kanila ng Dios kahit na mga simpleng tao lamang sila.
Sinabi naman ni Apostol Pablo sa mga taga-Corinto, “Kaming pinagkalooban ng kayamanang espirituwal na ito ay hamak na sisidlan lamang tulad ng mga palayok, upang ipakilalang ang dakilang kapangyarihang ito ay sa Dios, at hindi sa amin” (2 CORINTO 4:7 MBB). Sinabi ito ni Pablo sa kanila upang hindi sila matukso na magyabang at “ipangaral ang kanilang mga sarili” (TAL. 5).
Sinabi rin ni Pablo na ipahayag sa iba ang tungkol sa di-matutumbasang kayamanang na nasa atin – ang Banal na Espiritu. Siya ang dahilan kung bakit tayo naging espesyal. Siya rin ang nagbigay sa atin ng kakayahan para maituring na kayamanan ang mga ordinaryo nating buhay.