Isang sikat na manunulat si Oscar Wilde. Sinabi niya na noong bata pa siya, akala niya, pera ang pinakamahalaga sa buhay. Pabiro naman niyang sinabi na totoo nga ito. Pero sa kanyang pagtanda, lubos niyang naunawaan na hindi lamang tungkol sa pera ang ating buhay.

Ang pera ay pansamantala lamang. Minsan may pera tayo, minsan naman, wala. Kaya naman, masasabi natin na may mas mahalaga pa talaga sa buhay kaysa sa pera at sa mga bagay na mabibili nito. May sinabi si Jesus sa mga tao tungkol sa isang bagong pananaw na may kinalaman sa pera.

Sinabi Niya sa Lucas 12:15, “Magingat kayo sa lahat ng uri ng kasakiman, dahil ang buhay ng tao ay hindi nasusukat sa dami ng kanyang pag-aari.” Sa panahon natin ngayon na mas pinapahalagahan ang dami ng pag-aari ng isang tao, dapat ay matuto tayong makuntento sa kung ano man ang mayroon tayo.

Minsan, may isang mayamang lalaki ang nagtanong kay Jesus. Nalungkot ang lalaki sa sinabi ni Jesus na ipamigay niya sa mahihirap ang kanyang mga ari-arian. Hindi niya kasi kayang isuko ang napakarami niyang pag-aari (LUCAS 18:18-25). Iba naman ang ginawa ng maniningil ng buwis na si Zaqueo. Ipinamigay niya ang kanyang kayamanan sa mahihirap at ibinalik ng higit pa ang perang nakuha niya sa mga taong nadaya niya (LUCAS 19:8). Makikita natin sa dalawang kuwentong ito kung paano pahahalagahan ang itinuro ni Jesus. Sa biyaya ni Jesus, magkakaroon tayo ng tamang pananaw sa ating mga pagmamay-ari.