Noong 1900s, isang kumpanya ng sasakyan ang gumawa ng slogan upang mahikayat ang mga mamimili. Sinasabi ng slogan na, “Tanungin ninyo ang taong nakabili na ng aming sasakyan.” Alam ng kumpanya na malaki ang magiging impluwensiya ng sasabihin ng isang taong nakabili na ng kanilang sasakyan para mahikayat ang iba na bumili rin.
May malaking epekto rin sa ibang tao kapag ibinahagi naman natin ang kabutihan ng Dios na mismong naranasan natin sa ating buhay. Inaanyayahan tayo ng Dios na ipahayag natin ang ating pasasalamat at kagalakan hindi lamang sa Kanya kundi sa mga tao rin (SALMO 66:1). Mababasa naman natin sa Salmo 66 kung paanong ipinahayag ng manunulat sa isang awitin ang tungkol sa pagpapatawad sa kanya ng Dios nang talikuran niya ang kanyang kasalanan (TAL. 18-20).
Maraming kamangha-manghang ginawa ang Dios na mababasa natin sa Biblia tulad ng paghati Niya sa Dagat na Pula (TAL. 6). Marami ring ginawang kabutihan ang Dios sa buhay ng bawat isa sa atin. Binibigyan Niya tayo ng pag-asa kapag dumaranas tayo ng pagsubok, ibinibigay Niya ang Banal na Espiritu upang tulungan tayo na maunawaan ang Kanyang Salita, at ipinagkakaloob Niya ang ating mga pangangailangan.
Higit na mahalaga ang pagpapahayag sa iba ng tungkol sa kabutihan ng Dios kaysa sa pagkukuwento ng tungkol sa nabili nating produkto. Sa pamamamagitan nito, kinikilala natin ang Kanyang kagandahang-loob at nakapagpapalakas tayo ng loob sa bawat isa.