Isang batang lalaki ang umuwi ng bahay galing sa simbahan. Ikinuwento niya na ang itinuro sa kanila ay tungkol sa isang bata na nagbigay ng tinapay at isda kay Jesus.

Mababasa ang kuwentong ito sa Aklat ng Mateo. Buong araw na nagturo sa mga tao si Jesus. Sinabi sa Kanya ng mga alagad na pauwiin na Niya ang mga tao upang sila’y makakain. Pero sinabi ni Jesus sa Kanyang mga alagad, “Kayo ang magpakain sa kanila” (MATEO 14:16). Nagulat sila sa sinabing iyon ni Jesus dahil mahigit sa 5,000 tao ang kailangang pakainin.

Maaaring alam na natin ang susunod na mangyayari sa kuwentong ito. Isang batang lalaki ang nagbigay ng limang tinapay at dalawang isda. Ito ang ipinakain ni Jesus sa napakaraming tao (TAL. 13-21). May ilang tagapagturo ang nagsasabi na kaya dumami ang pagkain ay dahil nakita ng mga tao ang kabaitan ng bata kaya naman inilabas na rin nila ang dala nilang pagkain at ibinahagi sa iba. Gayon pa man, malinaw na sinasabi sa Aklat ng Mateo at sa iba pang aklat ng Biblia na isa itong himala na ginawa ng Panginoong Jesus.

Ano ang matututunan natin sa kuwentong ito? May iba’t ibang pangangailangan ang ating mga mahal sa buhay, mga kaibigan at ibang tao. Hindi natin sila dapat itulak papalayo dahil iniisip natin na mas may kakayahan ang iba na tulungan sila. May pagkakataon din naman na kaya natin silang tulungan. Maaari natin silang ipanalangin, pakinggan tuwing may problema at palakasin ang loob. Ipagkatiwala natin sa Dios ang anumang maibibigay nating tulong at hayaan natin na Siya ang kumilos sa pamamagitan ng mga ito.