Nanganganib na masira ang pagsasama ng mag-asawang Ron at Nancy. Nagkaroon kasi ng ibang karelasyon si Nancy. Mahirap aminin ang nagawa niyang kasalanan sa kanyang asawa at lalo na sa Dios. Pero alam ni Nancy na ito ang dapat niyang gawin. Sinabi ni Nancy kay Ron ang totoo. Pero sa halip na hiwalayan ni Ron si Nancy, pinili ni Ron na bigyan ng pagkakataon ang kanyang asawa. Sa tulong ng Dios, naging maayos muli ang kanilang pagsasama.
Ang ginawang pagpapatawad ni Ron sa kanyang asawa ay larawan ng pagmamahal at pagpapatawad ng Dios sa atin. Ganito rin ang nangyari sa propetang si Hosea. Inutusan siya ng Dios na mag-asawa ng isang babaeng mangangalunya. Ipinahintulot ito ng Dios upang ipakita sa bansang Israel ang kanilang pagiging hindi matapat sa Dios.
Iniwan si Hosea ng kanyang asawa. Pero sinabi ng Dios kay Hosea, “Ipakita mong muli ang pagmamahal mo sa iyong asawa kahit na nangangalunya siya” (3:1). Sa kabila ng pagsuway ng mga Israelita, minamahal pa rin sila ng Dios. Kung paanong pinatawad at minahal ni Hosea ang kanyang asawa, ganito rin naman ang pagmamahal ng Dios sa mga Israelita.
Nais din naman ng Dios na lumapit tayo sa Kanya. Lumapit tayo sa Dios nang may pagtitiwala. Makakasumpong tayo ng pagmamahal at pagpapatawad mula sa Kanya.