Isang mahusay na pintor si Lance Brown. Minsan, inaanyayahan siyang magpinta sa harap ng isang pagtitipon ng mga sumasampalataya kay Jesus. Una niyang ipininta ang larawan ng pagkapako at muling pagkabuhay ni Jesus. Maya-maya ay tinakpan niya ng itim na pintura ang unang larawang kanyang ipininta. Nilagyan naman niya ng asul at puting pintura ang bagong larawan. Makalipas ang anim na minuto, ibinaligtad niya ang larawan at ang lumabas ay ang mahabaging mukha ni Jesus.
Noong una, nag-aalinlangan pa si Lance nang imungkahi ng kanyang kaibigan na magpinta sa pagtitipon ng mga mananampalataya. Pero ngayon ay pumupunta na siya sa iba’t ibang bansa upang ipahayag sa iba ang tungkol kay Jesus sa pamamagitan ng kanyang talento sa pagpipinta.
Ipinahayag naman ni Apostol Pablo ang kahalagahan ng iba’t ibang kakayahang ipinagkaloob ng Dios sa mga sumasampalataya sa Kanya. Magagamit nila ang mga kakayahang ito upang luwalhatiin ang Dios at matulungan din ang iba (ROMA 12:3-5). Hinihikayat tayo ni Pablo na gamitin natin ang ating mga kakayahan upang maglingkod sa ating kapwa at ibahagi sa kanila ang kaligtasang ipinagkaloob ni Jesus (T. 6-8).
Pinagkalooban ng Dios ang bawat isa sa atin ng natatanging talento, kakayahan at karanasan upang buong pusong makapaglingkod. Ginagamit ng Dios ang mga ito upang maipahayag sa iba ang Magandang Balita at mapatatag ang pananampalataya ng mga kapwa nating nagtitiwala kay Jesus.