Noong 1865, binaril sa Ford’s Theater ang dating presidente ng Amerika na si Abraham Lincoln. Sinuri ang kanyang katawan at kasuotan pagkatapos siyang barilin. Tiningnan din ang laman ng kanyang mga bulsa. Natagpuan sa kanyang mga bulsa ang ilang mga bagay. Kabilang na rito ang salamin sa mata, panyo, relo at pitaka. Nasa loob naman ng kanyang pitaka ang isang salaping papel at walong kopya ng mga artikulo sa diyaryo kung saan pinupuri siya at ang kanyang mga nagawa.
Tila alam ko kung bakit may mga kopya ng magagandang artikulo tungkol sa kanya si Abraham Lincoln. Bawat isa kasi sa atin ay kailangan ng magpapalakas ng ating loob. Kahit ang mahusay na pinuno na si Lincoln ay kailangan nito.
May kakilala ka ba na kailangang mapalakas ang loob? Kailangan ito ng bawat isa sa atin. May mga pagkakataon kasi na nabibigo tayo at pinagdududahan natin ang ating sarili at kakayahan.
Sundin natin ang sinabi ng Dios sa Roma 15:2 ng Biblia. “Sikapin nating lahat na itaguyod ang kapakanan ng ating kapwa para sa ikalalakas ng kanyang pananampalataya” (MBB). Magsabi lamang tayo sa iba ng mga “matatamis na salita [na] nakakapagpasaya at nakakapagpasigla ng katawan.” (KAWIKAAN 16:24). Sumulat tayo sa ating mga kaibigan ng mga mensahe na makakapagpalakas ng kanilang loob. Kung gagawin natin ang mga ito, magiging katulad natin si Jesus. Hindi hinangad ni Jesus ang sarili Niyang kapakanan kundi nabuhay Siya upang matulungan ang iba (ROMA 15:3).