Nalungkot ako nang mabalitaan ko na nakagawa ng isang krimen na pang-aabuso sa mga babae ang dalawang lalaking hinahangaan ko. Kahit ang mga sumasampalataya kay Jesus ay nakakagawa rin ng ganitong kasamaan.
Nakagawa rin ng malaking kasalanan si Haring David. Mababasa natin sa aklat ng Samuel na isang hapon ay may nakita si David na isang babaeng naliligo (2 SAMUEL 11:2). Nagustuhan ni David si Batsheba at ipinatawag kahit na siya ay asawa ng isa niyang matapat na kawal na si Uria. Hindi alam ni David ang kanyang gagawin nang malaman niya na nagdadalantao si Batsheba. Ipinapatay na lamang ni David si Uria upang masolusyunan ang problema niya.
Makikita natin sa kuwentong ito ang pang-aabuso ni David sa kanyang kapangyarihan laban kina Batsheba at Urias.
Kailangan nating malaman ang ganitong mga kuwento upang makaiwas tayo sa pagkakasala. Kahit na itinuring si David ng Dios na isang lalaki na mula sa Kanyang puso (GAWA 13:22 MBB), nakagawa pa rin si David ng isang mabigat na kasalanan at kailangan niya itong panagutan. Ipanalangin din naman natin ang mga namumuno sa atin na makaiwas sa pang-aabuso ng kanilang kapangyarihan.
Pero sa kabila ng lahat ng ating mga kasalanan, nais pa ring magpatawad ng Dios dahil mahabagin Siya. Mababasa natin sa 2 Samuel 12:13 ang buong pusong pagsisisi ni David. Ang mga nagkasala na nagsisisi ay pinapatawad pa rin ng ating Dios.