Mayroong sumisikat na negosyo sa ibang bansa kung saan babayaran ang ibang tao upang magpanggap na kapamilya. Ginagawa ito ng ilan upang may makasama sila sa mga pagdiriwang at makita ng iba na kunwari ay may masaya silang pamilya. Ginagawa nila ito upang maramdaman nila na mayroon silang pamilya na kinabibilangan.
Ipinapakita ng negosyong ito ang katotohanang nilikha ang mga tao upang magkaroon ng relasyon sa iba. Mababasa naman natin sa aklat ng Genesis na lubos na nasiyahan ang Dios nang pagmasdan Niya ang lahat Niyang nilikha (1:31). Pero nang makita Niya si Adan, sinabi ng Dios, “Hindi mabuting mabuhay ang tao nang nag-iisa lang” (2:18). Kailangan ng tao na may makasama Siya sa kanyang buhay.
Itinuturo sa atin ng Biblia na kailangan nating magkaroon ng pakikipag-ugnayan sa ibang tao. Noong malapit nang mamatay si Jesus, sinabi Niya sa kaibigan Niyang si Juan na alagaan nito ang Kanyang ina. Kinupkop naman ni Juan si Maria nang mamatay si Jesus (JUAN 19:26-27). Itinuro naman ni Apostol Pablo sa mga sumasampalataya kay Jesus na pakitunguhan nang may malinis na puso ang ibang tao (1 TIMOTEO 5:1-2). Sinabi naman ng sumulat ng Salmo 68:6 na, “Ibinibigay [ng Dios] sa isang pamilya ang sinumang nag-iisa sa buhay.”
Purihin natin ang Dios na lumikha sa atin para magkaroon ng maayos na relasyon sa ibang tao. At ibinibigay Niya rin sa atin ang mga kapwa nating nagtitiwala sa Kanya upang maging ating kapamilya.