Sinabi ni Zack Eswine sa kanyang libro na silang mga pastor ay lubhang napapagod sa bigat ng mga problemang pasan nila. Hindi man tayo ang mismong tinutukoy ni Zack, nakakaranas din tayo ng pisikal, mental at espirituwal na pagkapagod. Dahil ito sa mga problema at sa dami ng mga responsibilidad. Minsan nga ay gusto na lang natin itong tulugan.
Mababasa naman natin sa 1 Hari 19 ng Biblia ang tungkol kay Propeta Elias na nakaranas din ng matinding pagsubok. Nais siyang ipapatay ni Reyna Jezebel (TAL. 1-2) dahil sa pagpatay niya sa mga propeta ng dios-diosang si Baal (TINGNAN ANG 18:16-40). Natakot si Elias kaya tumakas siya at idinalangin niya sa Dios na mamatay na lang sana siya (19:3-4).
Humiga at nakatulog si Propeta Elias dahil sa lubhang pagkabalisa. Kinalabit siya ng isang anghel at sinabi na “bumangon [siya] at kumain” (TAL. 5, 7). Pinalakas siya ng pagkaing ipinagkaloob ng Dios at “naglakbay siya sa loob ng 40 araw at 40 gabi” hanggang sa makarating siya sa isang kuweba (T. 8-9). Kinausap siya doon ng Dios at pinalakas ang kanyang loob. Dahil doon, naging handa muli si Elias na ipagpatuloy ang ipinapagawa sa kanya ng Dios (TAL. 9-18).
Maraming paraan ang maaaring gamitin ng Dios upang palakasin ang ating loob. Maaaring sa pamamagitan ito ng ibang tao, isang awitin, pananalangin o pagbabasa ng Biblia.
Napapagod ka na ba dahil sa bigat ng iyong problema? Ipagkatiwala mo sa Dios ang mga ito. Papasanin Niya ang mga ito para sa iyo.