Si Annie Moore ang kauna-unahang taga Ireland na dumaan sa Ellis Island upang makarating sa bansang Amerika. Lubos ang kanyang saya at pananabik na manirahan sa bagong lugar na iyon. Napakahirap ng buhay niya sa kanilang bansa kaya naisip niyang mangibangbansa upang magsimula ng bagong buhay. Punong-puno siya ng pangarap at pag-asa sa pagsisimula niya ng panibagong buhay sa isang lugar na magbibigay sa kanya ng maraming oportunidad.
Ganoong saya at pananabik rin naman kaya ang mararanasan nating mga nagtitiwala kay Jesus kapag nakita na natin “ang bagong langit at ang bagong lupa” (PAHAYAG 21:2)? Ang lugar na ito ay tinatawag sa Biblia na “Banal na Lungsod, ang bagong Jerusalem” (TAL. 2). Napakaganda ng pagkakalarawan dito ni Apostol Juan. Sa lugar na iyon ay mayroong “ilog na nagbibigay-buhay. Ang tubig nito ay kasinglinaw ng kristal at dumadaloy mula sa trono ng Dios at ng Tupa” (22:1). Tumutukoy ang tubig sa buhay at kasaganaan at magmumula ito mismo sa ating Dios. Sinabi rin ni Juan na “walang anumang isinumpa ng Dios na makikita roon” (T. 3). Manunumbalik din ang dating magandang pagsasama at relasyon ng Dios sa mga tao.
Nakamamanghang isipin ang pagmamahal sa atin ng Dios sa pamamagitan ng pagsugo ng Kanyang Anak na si Jesus upang tayo’y iligtas.
Bukod pa rito, may inilaan pa ang Dios na bagong tahanan sa langit kung saan makakasama natin Siya magpakailanman.