Isang magandang nobela ang Peace Like a River na isinulat ni Leif Enger. Tungkol ito kay Jeremiah Land na isang ama na mag-isang nagpapalaki sa kanyang tatlong anak. Nagtatrabaho siya bilang janitor sa isang eskuwelahan. Mababasa sa kuwento kung paano niya hinarap nang may pananampalataya ang bawat pagsubok sa kanyang buhay.
Ang eskuwelahan kung saan nagtatrabaho si Jeremiah ay pagmamay-ari ni Chester Holden na may hindi pangkaraniwang sakit sa balat. Hindi maganda at malupit ang pakikitungo ni Chester kay Jeremiah kahit na maayos itong nagtatrabaho bilang janitor. Minsan, ipinahiya ni Charles si Jeremiah sa harap ng mga estudyante at tinanggal niya ito sa trabaho. Pero sa halip na gumanti, hinawakan ni Jeremiah ang mukha ni Chester. Nagulat si Chester dahil gumaling na ang sakit niya sa balat nang hawakan siya ni Jeremiah.
Sa halip na magalit si Jeremiah kay Chester, nagpakita siya rito ng kagandahang-loob. Ano naman ang maaari nating gawin sa ganitong sitwasyon? Sinabi sa atin ni Jesus na “Mahalin ninyo ang inyong mga kaaway. Maging mabuti kayo sa mga galit sa inyo. Pagpalain ninyo ang mga umaalipusta sa inyo” (LUCAS 6:27-28). Pero hindi ibig sabihin ng talatang ito na hahayaan na lamang natin ang masasamang ginagawa ng ating kapwa. Sa halip, hinihikayat tayo na maging maawain tulad ng Dios (TAL. 36).
Ilapit din naman natin sa Dios ang ating mga kaaway upang Siya ay lubos nilang makilala.