Lumaki si Stephen sa isang lugar kung saan karaniwan na ang gumawa ng masama, magnakaw at magbenta ng ipinagbabawal na gamot. Sampung taong gulang pa lamang siya ay nasangkot na siya sa isang krimen. Pero noong dalawampung taong gulang na siya, nagkaroon siya ng panaginip na naging daan sa kanyang pagbabago. Napanaginipan niya na sinabi sa kanya ng Dios na makukulong siya sa salang pagpatay. Nagsilbi itong babala para sa kanya. Kaya naman, nagdesisyon siyang lumapit sa Dios at tanggapin si Jesus bilang kanyang Tagapagligtas. Simula noon, binago siya ng Banal na Espiritu.
Nagtayo si Stephen ng isang organisasyon na nagtuturo sa mga batang kalye ng disiplina, moralidad at kagandahang-asal sa pamamagitan ng iba’t ibang laro. Pinasasalamatan niya ang Dios sa mga pagbabagong nangyari sa buhay ng mga bata. Naging instrumento siya ng Dios upang magkaroon ng pag-asa at pangarap ang mga batang ito.
Itinuro din naman ni Pablo sa mga taga-Efeso ang tungkol sa pagbabagong buhay. Kahit na ang dati nating buhay ay “nagpapahamak sa [atin] dahil sa masasamang hangarin na dumadaya sa [atin]”, maaari pa rin tayong baguhin ng Dios at bigyan ng buhay na matuwid at banal (EFESO 4:22, 24). Ang Banal na Espiritu ang tutulong sa atin sa mga bagay na dapat nating baguhin sa ating buhay.
Naging malaking tulong ang pananampalataya ni Stephen upang mabago ang kanyang buhay. Naranasan mo na ba ang pagbabagong dulot ng Banal na Espiritu?