May natutunan akong madaling solusyon sa paglilinis sa salamin ng aming fireplace. Minsan kasi ay dumikit sa salamin ng aming fireplace ang mga balahibo ng manika ng aking apo. Madali namang gayahin ang solusyon na nakita ko kaya iyon ang ginawa ko. Nagmukha muling bago ang salamin.
Minsan naman, ang tingin natin sa Biblia ay listahan ng mga solusyon upang mas maging madali kung paano mamuhay nang maayos. Totoo naman na itinuturo ng Biblia kung paano mamuhay nang nakalulugod sa Dios. Pero hindi lamang iyon ang layunin ng Biblia. Mababasa rin natin doon ang solusyon sa pinakamahalaga nating pangangailangan – ang kaligtasan mula sa kaparusahan sa ating mga kasalanan.
Mula sa unang aklat ng Biblia na Genesis hangang sa huling aklat nito na Pahayag, mababasa natin ang plano ng pagliligtas ng Dios at pagnanais Niya na makasama tayo (GENESIS 3:15; PAHAYAG 21:1-2). Sa bawat kuwento sa Biblia, makikita natin na ang lahat ng ito ay itinuturo tayo kay Jesus na Siyang tanging makapagbibigay ng solusyon sa ating pinakamabigat na problema – ang kasalanan.
Alalahanin nawa natin sa pagbabasa natin ng Biblia ang pagliligtas sa atin ni Jesus at kung paano tayo mamumuhay bilang mga anak Niya. Si Jesus ang solusyon sa ating mga problema.