Tagapagluto, tagaplano, at tagapag-alaga. Ilan lamang ito sa mga responsibilidad na ginagampanan ng isang ina. Ayon sa pananaliksik noong 2016, halos 59 – 96 na oras kada linggo ang ginugugol ng isang ina sa pagaalaga ng kanyang mga anak. Naglalaan siya ng mahabang panahon at ng lakas upang maalagaan ang kanyang mga anak. Kaya naman, walang duda na nakakapagod talaga ang maging isang ina.
Ang papel na ginagampanan ng isang ina ay nagpapaalala sa akin sa kahalagahan ng pagmamalasakit at paglilingkod sa iba. Nalulugod si Jesus sa ganitong uri ng paglilingkod.
Mababasa naman natin sa Aklat ng Marcos na nagtalo ang mga alagad ni Jesus kung sino sa kanila ang pinakadakila. Pero pinaalalahanan sila ni Jesus na, “Ang sinuman sa [kanila] na gustong maging pinakadakila sa lahat ay dapat magpakababa at maging lingkod ng lahat” (9:35). Pagkatapos, kumuha ng isang bata si Jesus at kinalong ito upang ilarawan ang kahalagahan ng paglilingkod sa iba (T. 36-37).
Sinabi ni Jesus kung paano magiging dakila sa Kanyang kaharian. Iba ang Kanyang pamantayan sa pamantayan ng mundo. Para sa Kanya, maituturing na dakila ang isang tao na may pusong nagmamalasakit sa kapwa. Hindi Niya pababayaan ang mga taong naglilingkod sa iba. Ipinangako Niya na sasamahan at iingatan sila ng Dios (TAL. 37).