Nagbago ang aking pananaw tungkol sa mga ipinapayo sa akin ng mga magulang ko nang maging isa na rin akong magulang. Ang dating inaakala ko na mali nilang payo ay iyon pala talaga ang makakabuti para sa akin. Kaya naman, ang mga sinasabi ko sa mga anak ko ay kung ano rin ang mga sinabi sa akin ng mga magulang ko noong bata pa ako.
Itinuturo din naman sa atin ng Biblia na “ang inaakala ng tao na kamangmangan ng Dios ay higit pa sa karunungan ng tao” (1 CORINTO 1:25). “Sapagkat sa karunungan ng Dios, hindi niya pinahintulot na makilala Siya ng tao sa pamamagitan ng karunungan ng mundong ito.” Mas minabuti ng Dios na iligtas ang mga taong sasampalataya kay Jesus na para sa iba ay kamangmangan lamang (TAL. 21).
Mamamangha tayo sa naiibang pamamaraan ng Dios. Hindi isang malakas at matagumpay na hari ang isinugo ng Dios gaya ng maaari nating asahan. Sa halip, ang Anak ng Dios ay dumating sa sanlibutan bilang isang mapagkumbabang lingkod na namatay sa krus ng kalbaryo bago Siya nabuhay na muli at niluwalhati. Makikita natin dito ang karunungan ng Dios na hindi maunawaan ng tao. Itinuturing Niyang dakila ang mga nagpapakumbaba.
Ipinakita Niya rin na kahit hindi tayo karapat-dapat, minahal Niya tayo at pinakitaan ng awa at kagandang-loob. Sa pamamagitan ng kamatayan ni Jesus, “maililigtas Niya nang lubos” (HEBREO 7:25) ang sinumang sasampalataya sa Kanya.