Si Jesse Owens na isang Aprikanong Amerikano ay isang mahusay na atleta sa larangan ng pagtakbo. Isa rin siyang sumasampalataya kay Jesus. Noong 1936, nanalo siya ng apat na gintong medalya sa Olympic Games na ginanap sa Berlin, Germany. Naging kaibigan ni Jesse sa palarong iyon si Luz Long na isa ring atleta. Nasa ilalim noon ng pamumuno ng malupit na lider na si Hitler ang bansang Germany kung saan laganap ang kasamaan at pang-aabuso ng kapangyarihan. Sa kabila ng masamang pangyayari sa palagid, nasaksihan ni Luz kung paano isinapamuhay ni Jesse ang kanyang pananampalataya sa Dios.
Naging mabuting impluwensiya sa buhay ni Luz ang malalim na pananampalataya ni Jesse.
Ipinakita ni Jesse ang itinuro ni Apostol Pablo kung paano dapat umiwas sa masama ang mga sumasampalataya kay Jesus at kung paano magmahalan ng tapat (ROMA 12:9-10). Pinili ni Jesse na ipakita ang kanyang pananampalataya at pagmamahal sa iba sa halip na mapoot dahil sa mga nangyayaring masama sa paligid niya. Dahil dito, maaaring nahikayat niyang magtiwala rin sa Dios ang kanyang bagong kaibigan na si Luz.
Nais ng Dios na lagi tayong manalangin at mamuhay nang mapayapa sa isa’t isa (TAL. 12, 16). Kung magiging tapat tayo sa pananalangin, magiging matibay ang ating pananampalataya at matututo tayong mahalin ang iba. Tutulungan tayo ng Dios na mamuhay nang mapayapa kasama ang ating kapwa.