Noong Nobyembre 9, 1989, nagulat ang buong mundo ng mapabalitang winasak na ang pader sa Berlin, Germany. Ang pagkawasak ng pader ang naging simula upang magkaisa muli ang mga tao sa lungsod na iyon makalipas ang 28 taon. Nakigalak ang buong mundo sa pangyayaring ito.
Isang magandang pangyayari din naman nang makabalik ang mga Israelita sa kanilang bayan noong 538 BC matapos silang mabihag sa loob ng 70 taon. Mababasa natin sa Salmo 126 ang kagalakang naranasan nila. Ang karanasang ito ang naging dahilan upang sila ay magdiwang at magawitan.
Nakita rin ng ibang bansa na gumawa ng dakilang bagay ang Dios para sa bansang Israel (TAL. 2). Lubos na kagalakan ang naging tugon ng mga Israelitang nakaranas ng biyaya at kabutihan ng Dios (TAL. 3). Ang mga dakilang bagay rin na ginawa ng Dios noong nakaraan ang nagbigay sa mga Israelita ng bagong pag-asa. (TAL. 4-6).
Nakaranas din tayo ng kabutihan ng Dios. Napakaraming ginawang dakilang bagay ang Dios lalo na sa mga sumasampalataya sa Kanyang Anak na si Jesus. Makikita natin ito sa isang awit na isinulat ni Fanny Crosby, “Dakilang mga bagay ang ginawa ng Dios at nagagalak tayo sa Kanyang anak na si Jesus.” Tunay na karapat-dapat papurihan ang Dios sa mga dakilang bagay na Kanyang ginawa.