Nagpunta kami ng aking asawang si Cari sa Santa Barbara, California. Espesyal sa amin ang lugar na iyon dahil doon kami unang nagkakilala tatlumpu’t limang taon na ang nakakaraan. Binalikan namin ang mga paborito naming lugar doon. Pero nasorpresa kami dahil wala na pala ang paborito naming kainan. Tanging ang plakeng gawa sa bakal na nakasabit sa bagong tindahan na lamang ang natirang alaala ng kainan na nagbigay serbisyo sa loob ng apat na dekada. Tunay ngang ang dami nang nabago sa lugar na iyon!
Sa kabila naman ng mga pagbabago sa ating buhay at kapaligiran, makatitiyak tayo na kailanma’y hindi magbabago ang katapatan ng Dios sa atin. Napatunayan ito ni David at kanyang sinabi, “Ang buhay ng tao ay tulad ng damo. Tulad ng bulaklak sa parang, ito’y lumalago. At kapag umiihip ang hangin, ito’y nawawala at hindi na nakikita. Ngunit ang pag-ibig ng Panginoon ay walang hanggan sa mga may takot sa Kanya, sa mga tumutupad ng Kanyang kasunduan at sa mga sumusunod sa Kanyang mga utos” (SALMO 103:15-17). At bilang pagtatapos, sinabi ni David, “Purihin ang Panginoon!” (TAL. 22).
Ayon naman kay Heraclitus na kilala sa larangan ng Pilosopiya, walang sinuman ang makatutungtong sa iisang ilog ng dalawang beses. Ipinaparating nito na lagi talagang may pagbabagong nangyayari sa ating buhay at paligid. Gayon pa man, kahit kailan ay hindi magbabago ang Dios.
Mananatili Siyang tapat at mapagmahal. Tutuparin ng Dios ang Kanyang mga pangako!