Si Thomas Edison ang nakaimbento sa unang bombilyang may kuryente. Si Jonas Salk naman ang nakadiskubre ng mabisang bakuna sa polyo. Marami naman sa ating mga inaawit para sa Dios ay isinulat ni Amy Carmichael. Ano naman kaya ang layunin ng iyong buhay dito sa mundo?
Sa Genesis 4, mababasa natin na nagbuntis sa unang pagkakataon si Eva at ipinanganak si Cain. Sinabi niya, “Nagkaroon ako ng anak na lalaki sa pamamagitan ng tulong ng Panginoon” (TAL. 1). At sa tulong nga ng Dios ay napakaganda ng naging kontribusyon ni Eva sa mundo. Nagmula sa kanyang lahi ang Tagapagligtas na ipinangako ng Dios na magliligtas sa mga tao mula sa kaparusahan sa kasalanan (JUAN 3:16). Kinilala ni Eva na naging posible ito sa tulong ng Dios.
Ang pagiging magulang ay isa lamang sa maraming paraan upang magkaroon ng kontribusyon ang mga tao sa mundo. Maaaring ito ay ang pagbabahagi ng iyong talento sa pagguhit, pagsusulat o pananahi. Maaari din ang pagiging magandang ehemplo sa iyong kapwa mananampalataya. Maaari din naman na makikita na lang ang iyong mga magagandang nagawa pagkatapos mong mawala dito sa mundo gaya ng iyong kahanga-hangang gawaing iniwan o malinis na reputasyon sa negosyo.
Sa ano pa mang paraan, nawa’y tularan natin si Eva na kinilala ang tulong ng Panginoon. Sa tulong ng Panginoon, ano ang iyong gagawin para parangalan Siya?