Habang tinuturuan ako ng aking anak na si Josh kung paano mag-ski, nakatuon lamang ang aking mga mata sa kanya. Hindi ko na binigyang pansin ang iba pang bagay na nasa aming paligid. Kaya naman, nagulat ako nang bigla na lang akong nadulas. Hindi ko napansin ang matarik na parte ng bundok.
Ipinapakita sa Salmo 141 kung papaanong ang tao ay nahuhulog sa bitag ng kasalanan. Malaki ang bahagi ng panalangin upang maging handa tayo sa ganoong pangyayari, “Ilayo N’yo ako sa gawaing masama at sa mga taong gumagawa nito” (TAL. 4). Ito ang pakiusap ni David na gaya rin sa panalangin ni Jesus: “Huwag N’yo kaming hayaang matukso kundi iligtas N’yo po kami kay Satanas” (MATEO 6:13). Dahil mabuti ang Dios, diringgin Niya ang ating dalangin tungkol dito.
Sa kabanata pa ring ito ng Salmo ay mababasa natin ang kahalagahan ng isang tapat na kaibigan, “Tatanggapin ko ang parusa at pagsaway ng taong matuwid, dahil ginagawa nila ito na may pag-ibig at pagmamalasakit sa akin. Ito’y parang langis sa aking ulo” (SALMO 141:5). Mapanlinlang ang tukso at may mga panahon na hindi natin napapansin na nahuhulog na tayo rito. Sa ganoong pagkakataon, ang isang tunay na kaibigan ang makapagbibigay sa atin ng payo at paalala, “Ang masakit na pagsaway ng isang kaibigan ay may katuturan” (KAWIKAAN 27:6).
Masakit kapag pinupuna tayo pero maaari natin itong ituring bilang pagpapakita ng kanilang kabutihan sa atin at gamitin ang pagkakataong ito upang muli tayong bumalik sa pagsunod sa Dios. Nawa’y buong puso nating tanggapin ang katotohanan mula sa ating mga pinag-kakatiwalaang kaibigan at manangan tayo sa Dios sa pamamagitan ng panalangin.