Sa isang kainan, tanging ang maliit na kandila sa gitna ng bawat lamesa lamang ang nagbibigay ng liwanag. Mayroon namang iba na ginamit ang ilaw mula sa kanilang cellphone para makita nang husto ang kanilang mga kasama at kinakain. Hanggang sa may nagsabi sa waiter na buksan ang ilaw. Nang lumiwanag na ang paligid, unti-unting bumalik ang sigla sa lugar na iyon.
Nabago ang malungkot na gabing iyon nang magkaroon ng liwanag. Makikita natin sa pangyayaring iyon ang kahalagahan ng ilaw ngunit higit na mahalaga na kilala natin ang pinagmumulan ng tunay na liwanag na walang iba kundi ang Dios. Siya ang nagsabing, “Magkaroon ng liwanag!” noong unang araw ng Kanyang paglikha sa sanlibutan, “at nagkaroon nga ng liwanag” (GENESIS 1:3). Pagkatapos noon, “Nasiyahan ang Dios sa liwanag na nakita Niya” (TAL. 4).
Ipinapakita ng Dios ang Kanyang dakilang pag-ibig sa atin sa pamamagitan ng paglikha Niya ng liwanag. Ang Kanyang liwanag ang naglalapit sa atin patungo kay Jesus, “Ang ilaw ng mundo” (JUAN 8:12). Ang Panginoong Jesus ang gumagabay sa atin mula sa kadilimang dulot ng kasalanan. Kung tayo’y lumalakad sa liwanag ng Dios, matatagpuan natin ang maningning na daan patungo sa buhay na nagbibigay ng kaluwalhatian sa Panginoong Jesus.
Siya ang pinakamatingkad na liwanag sa buong sanlibutan na regalo sa atin ng Dios. Nawa’y magsilbing gabay natin ang liwanag na dulot Niya.