Si Flannery O’ Connor ay isang mahusay na manunulat. Napanood ko minsan ang kanyang video noong anim na taong gulang pa lang siya. Ipinakita roon na tinuturuan niyang maglakad nang pabaliktad ang isang manok sa kanilang bukid. Tila inilalarawan ng eksenang ito ang istilo ng pagsulat ni O’Connor. Sa loob ng tatlumpu’t siyam na taon, inilaan niya ang kanyang panahon sa pagsusulat na sumasalungat sa kinagisnang kultura dahil sa kanyang matibay na pananamplataya sa Dios. Maraming mambabasa ang lubos na napapaisip at namamangha sa mga isinulat niya tungkol sa mga tema sa Biblia na taliwas sa mga paniniwalang panrelihiyon na inaasahan nila.
Tunay nga na kung gusto nating tularan si Jesus, kailangang maging handa tayo na mamuhay nang hindi naaayon sa takbo ng mundong ito. Sinasabi sa atin sa Filipos na si Jesus, bagama’t nasa anyo ng Dios ay hindi kumilos sa paraang inaasahan ng tao (2:6). Hindi Niya ginamit ang Kanyang kapangyarihan para sa pansariling kapakanan, “sa halip, ibinaba niya nang lubusan ang sarili niya sa pamamagitan ng pag-aanyong alipin” (TAL. 7).
Si Cristo na Dios at lumikha ng lahat ay nagpakababa at isinuko ang Kanyang buhay dahil sa lubos na pagmamahal sa atin. Sa pagpapakumbaba ng Panginoong Jesus, ipinapakita Niya na sumalungat Siya sa kalakaran ng mundo.
Sinasabi sa Biblia na dapat nating tularan si Cristo (TAL.5). Sa halip na magmataas, matuto nawa tayong magpakumbaba at maglingkod. Magagawa nating hindi umayon sa takbo ng mundo sa tulong ni Jesus.